Saturday, June 30, 2007

Two-timer ako?


Kapag nag-two timing ka, siguradong kaaway mo ako. - Otoo-chama
(Bakit parang threat ang dating ito?)

Opo, sinabi 'yan ng pseudo-daddy ko kagabi (habang kumakain ng malaking NY's Finest pizza ng Yellow Cab sa bahay nila XD) noong kinokonsulta ko siya tungkol sa mga umiikot sa isipan ko. Si Otoo-chama ay ang pinakamapagkakatiwalaan kong kaibigan na lalaki (rimmed glasses nga pala niya ang suot ko). Hindi ko alam kung saan ako pupulutin kung wala siya. Palagi niya akong pinag-iisip... at mas madalas tinutukso tungkol sa mga problema ko (O: That's what I do best. XD). Kahit tahimik lang ako, nalalaman niya yata ang bagyo sa isipan ko eh. Mabuti nang hindi Psychology ang kinuha mo kasi tutuksuhin mo lang ang mga kliyente mo. Ha ha.

Naiintindihan ko naman ang sinabi niya sa itaas. Sino bang may gustong maging no. 2? Masakit 'yun, parang ginagamit ka lang bilang isang basahan. Alam nyo naman siguro ang pakiramdam ng ginagamit ng iba, hindi ba?

Sabi ko sa kanya, wala akong alam sa dapat kong gawin. Hindi ako desidido. Takot akong mag-desisyon. @__@ Sumagot siya, merong wrong decision. Meron ding not-so-wrong decision. Ngayon, ako na lang ang dapat sumagot sa mga tanong kong umaapaw na sa dami. O di ba, ang gulo ko? Ha ha.

Sayang, tubig lang iniinom namin habang nag-uusap. Mas masaya kaya kung may beer at pulutan sa kanila noong panahon iyon? XD

PS
Sa taong umamin (ulit) kagabi, umamin ka mga 3 weeks ago habang nakahiga ka sa sahig at groggy na. Kaya hindi mo natatandaan. Ha ha.

Wednesday, June 27, 2007

Tanong at Sagot

Natigilan ako kanina nang banggitin ni Ma'am Jing (sa klase ng Teolohiya 1) ang isang berso mula sa Bibliya.
"Kayo'y mga taong humihingi ng mga simbolo. Ngunit hindi nagbibigay ang Ama ng mga simbolo sapagkat iyan ang nagpapatunay na hindi kayo naniniwala."
Bakit ngayon ko lang naalala iyan? *head desk* Paano ko ngayon malalaman ang sagot Niya sa tinatanong ko sa Kanya?

Tatlo lamang ang sagot ng Diyos. Oo. Hindi. Maghintay ka pa. Siyempre, maganda kung oo ang isasagot Niya sa iyo. Masaklap naman kapag hindi. Kung wala pa Siyang ginagawa, ipinapabatid Niya na maghintay ka pa dahil hindi pa napapanahon ang hinihingi mo.

Hindi pala ako isang mabuting anak kung hindi ako naniniwala sa Kanya ng lubusan. Kaso, medyo mahirap ang tinatanong ko sa Kanya eh. Wala pa ring pagbabago. Kung isang dula ito, wala pa ang cue ko sa pagpasok sa isang eksena at sabihin ang mga linya ko. Hindi naman ako marunong mag-ad lib. Asa pa ako. Masisira lang ang daloy ng istorya ng buhay ko.

Sa ngayon, sagot Niya: maghintay pa.

Ang hirap talaga kapag gutom ka na. Ang tagal maluto ng ulam. Kailangan talagang hintayin. @__@

Friday, June 15, 2007

Unos

Unos
ni Eunice Pauline U. Cambay

Malamig ang iyong mga kamay.
Hindi ko mawari ang dahilan
ng katahimikang nakapaligid,
sa mga sumisibol na bulaklak,
nahuhulog na butil ng tubig
sa mga dahong kay berde
at sa tumatakbong puso
nagpapatuloy sa rebolusyon
walang katapusan,
walang kapaguran;
Tumutulo ang mga luha
kasabay ng panginginig mo
parang malakas na lindol
nakapagpapabagabag;
Ang pagsara at pagbukas
ng iyong mga biluging mata
iniipit sa pagitan ang sisi,
pagkabigo, kirot at takot.
Sinasabing ang may sala
ay ikaw at ikaw lamang;
Diyan kita inibig,
sa mga matang malalim
puno ng pagmamahal
mga matang nagbabadya ng bagyo
ngunit ‘sing-payapa
ng malawak na kalangitan;
Muli kang tumayo
sinuyo ang ihip ng hangin
ipinikit ang mga mata
sa paghinga nang malalim.
Hinaplos ko ang iyong pisngi
ngayo’y nababalutan na
ng makapal na takip:
kalungkutan at poot,
di sadyang kalupitan,
kapabayaan;
Mahigpit kitang niyakap.
Ngayo’y makinig kang mabuti,
tanggalin sa isipan at puso
galit sa iyong sarili
kalimutan ang ikli ng buhay.
Pagbulong ng hangin iyong pakinggan,
naroon lamang ako, pangako.
Isang huling halik
na parang saksak sa dibdib.
Natagpuan ko na rin ang lugar ko
sa pagbigkas ng iyong pangalan.


Naisulat noong ika-9 ng Hunyo, 2:49 ng umaga. :D

Revised na matapos i-critique ni Kuya Enrique sa MO (na ikinasaya ko naman haha). Sana mukha nang maayos. @__@

Hindi ako makapaniwala na nakakapagsulat ako ng tula sa wikang Tagalog.

Wednesday, June 13, 2007

Impatience Kicking/ Pep

Naiinis ako. Hindi siya nakikinig sa akin.

Yunisee, hintay lang. Darating din 'yan.

Hindi dapat minamadali ang mga bagay na ganyan.

Palaging may plano 'yan. Huwag mong pagdudahan.

Iwasan ang init ng ulo. Di bale, malapit na ang tag-ulan.

Galingan mo sa pinapangarap mo! Enjoy ka naman kanina di ba?

Ingatan ang iyong mga kamay. Diyan nakasalalay ang kinabukasan mo.

Hintay lang. Darating din 'yun.

Thursday, June 7, 2007

Wala Yata sa Tamang Pag-iisip

Kapag may nobyo o nobya na ang kaibigan mo, kadalasan, binibigay na niya ang oras niya sa taong minamahal niya at naiiwan ka na lang diyan sa isang tabi. Sino nga naman ang hindi magpaparamdam ng kanyang pagmamahal sa nobyo o nobya niya, eh sa laki at lawak ng mundong ito, sinuwerte ka na mahanap mo ang kapares mo at minamahal ka rin niya.

Noong nagkabalikan sila ng dati niyang nobya, lumayo ako kay AJ (di tunay na pangalan). Malapit ang loob ko kay AJ, para na kaming kambal-tuko noon kahit minsan-minsan, nag-aaway kami at di nagpapansinan ng ilang linggo. Lumayo ako, kasi naiisip ng mga tao sa paligid na mas bagay sila sa isa't isa. At hindi siya nababagay sa isang tulad ko. Mas mabuti na rin ang ganoon. Kasi may kakaibang kirot sa loob eh (OMG so mushy). Malungkot ang buhay kapag wala siya eh. Nakakainis ang mga panahong iyon. Kahit magsubsob man ako sa pag-aaral, wala ring nagagawa. Kasi nakikita ko rin siya palagi, sa harapan ko siya nakaupo. *facepalm* Pero nakipag-break yung babae sa kanya pagkatapos ng ilang linggo sa di alam na kadahilanan. @__@ (Bakit may ibang lalaking matagal mag-move on? Ang lakas ng tama ko sa lokong yun.)

Noong isang taon naman, ang pinakamalapit kong kaibigan ay nagka-nobyo, for the first time! (Naunahan ako ha ha.) At ako ang huling nakaalam. @__@ Siyempre, lovey-dovey sila dahil sa wakas, natutunan na niyang mahalin ang taong mahal siya. Pinili niya ang taong mahal siya kaysa sa taong mahal niya. Ang gulo ko di ba? Ha ha. Ako naman ang nag-iisa, walang kaalam-alam ngayon sa buhay niya. Abala siya sa OJT, sa theses, sa kung anu-anong presentations, at siyempre, sa love of her life. Hindi ako nagtatampo o nagtatanim ng sama ng loob sa kanya. Masaya ako para sa kanya hangga't masaya siya sa piling niya.

Ano nga ba ang sense ng entry na ito?

Wala lang. Nag-kuwento lang ako. Ha ha.

Sa totoo lang, hindi ko alam kung magiging tulad ako ng kaibigan ko kung sakali. Pero ito ang sisiguraduhin ko, hindi lang iikot ang mundo ko sa taong mamahalin ko. :D