Friday, June 15, 2007

Unos

Unos
ni Eunice Pauline U. Cambay

Malamig ang iyong mga kamay.
Hindi ko mawari ang dahilan
ng katahimikang nakapaligid,
sa mga sumisibol na bulaklak,
nahuhulog na butil ng tubig
sa mga dahong kay berde
at sa tumatakbong puso
nagpapatuloy sa rebolusyon
walang katapusan,
walang kapaguran;
Tumutulo ang mga luha
kasabay ng panginginig mo
parang malakas na lindol
nakapagpapabagabag;
Ang pagsara at pagbukas
ng iyong mga biluging mata
iniipit sa pagitan ang sisi,
pagkabigo, kirot at takot.
Sinasabing ang may sala
ay ikaw at ikaw lamang;
Diyan kita inibig,
sa mga matang malalim
puno ng pagmamahal
mga matang nagbabadya ng bagyo
ngunit ‘sing-payapa
ng malawak na kalangitan;
Muli kang tumayo
sinuyo ang ihip ng hangin
ipinikit ang mga mata
sa paghinga nang malalim.
Hinaplos ko ang iyong pisngi
ngayo’y nababalutan na
ng makapal na takip:
kalungkutan at poot,
di sadyang kalupitan,
kapabayaan;
Mahigpit kitang niyakap.
Ngayo’y makinig kang mabuti,
tanggalin sa isipan at puso
galit sa iyong sarili
kalimutan ang ikli ng buhay.
Pagbulong ng hangin iyong pakinggan,
naroon lamang ako, pangako.
Isang huling halik
na parang saksak sa dibdib.
Natagpuan ko na rin ang lugar ko
sa pagbigkas ng iyong pangalan.


Naisulat noong ika-9 ng Hunyo, 2:49 ng umaga. :D

Revised na matapos i-critique ni Kuya Enrique sa MO (na ikinasaya ko naman haha). Sana mukha nang maayos. @__@

Hindi ako makapaniwala na nakakapagsulat ako ng tula sa wikang Tagalog.

No comments: