Tuesday, August 7, 2007

Kuryente: Isang Dedikasyon

Sa aking pagkabagabag, iniiwan mo ang iyong gawain at dumarating ka. Sa mga madilim kong pakikipagsapalaran sa mundo, inaakap mo ako't pinagagaan ang loob. Sa kalungkutang dinaranas sa buhay, ginagawa mo ang lahat upang ako'y mapatawa at mapawi ang kabigatan ng kalooban.

Pagbangon ko sa umaga, ayoko pang dumilat agad dahil sa mga sarado kong mata, nakikita ko ang nakangiti mong mukha. Ngunit napagtatanto kong nariyan ka naman, na maaari kitang makita, mapuntahan kung saan man.

Nanginginig ang mga tuhod ko sa boses mong malambing. Di ko mawari kung bakit ganito ako kapag tinatawag mo ang pangalan ko. Natural lang naman iyon, at lagi ko namang naririnig ang boses mo noon. Kay laki ngang pagbabago ang naganap, ano?

Milyon-milyong boltahe ng kuryente ang dumaraan sa aking katawan kapag naaalala kita. Hindi naman ako humahawak ng live wire o socket nang basa ang kamay. Ang bilugin mong mga mata na nakatitig sa akin, ang maginhawa't mabango mong yakap at ang malambot mong mga pisngi. Hindi ko sila malimutan. Lalong-lalo na ang oras na pinagsamahan natin. Mahirap nang alisin sa isipan ko iyon.

Kung iisipin ko, napakalaki na ng impluwensya mo sa buhay ko. Tinatanggap kita nang buo sa buhay ko. Ingatan mo na lang sana ang puso kong kasinlakas ng isang plorerang porselana.

Maraming salamat sa lahat ng ginagawa mo para sa akin, sa pagtulong sa aking mga akda, sa pakikinig sa aking mga kwento, sa lahat-lahat. Nasaan kaya ako ngayon kung wala ka?

Gusto kong malaman kung paano mo ako napaibig. Pero di na mahalaga iyon. Ang pinakamahalaga ay...

... minamahal kita. At patuloy kitang mamahalin hanggang di na kaya ng mga salitang ito na ipakita sa iyo ang nararamdaman ng puso ko, na iparamdam sa iyo ang pag-ibig mula sa kaibuturan ng aking pagkatao.

Mahal na mahal kita, daddy ko!